Kalaboso ang inabot ng isang tricycle driver matapos gahasain umano nito ang isang walong-taong gulang na batang babae sa Quezon City noong Martes.
Base sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Project 4 Police Station 8, nangyari ang krimen Martes ng hapon nang sunduin ng 45-anyos na si Lamberto Santiago ang biktima sa tahanan nito.
Ayon kay Project 4 Station Commander Police Supt. Richard Fiesta, ihahatid ni Santiago ang biktima sa pinapasukan nitong eskwelahan noong maulan na Martes ng hapon.
Bigla na lamang umanong inihinto ni Santiago ang minamaneho nitong tricycle sa isang kanto sa kahabaan ng F. Castillo street sa Brgy. Bagumbuhay, Project 4 sa Quezon City.
Dito na umano minolestiya ni Santiago ang dibdib ng biktima hanggang sa ipasok ng suspek ang kaniyang daliri sa ari ng kaawa-awang paslit.
Ilang oras matapos ang krimen ay lakas-loob na isinumbong ng biktima sa kaniyang ina ang pinagdaanan nito sa kamay ni Santiago, dahilan para magsuplong ang mag-ina sa kapulisan.
Agad naman na naaresto si Santiago na sumailalim na sa inquest proceedings kay Assistant Prosecutor Maribel Mariano Arriola.
Inirekomenda na ni Arriola ang pagsasampa ng kasong rape base sa Article 266-A (2) of Republic Act 8353.
(FRANCIS WAKEFIELD)