Tinitignan na ng Quezon City Police District ang lahat ng anggulo ukol sa pagpatay sa isang barangay chairman ng Caloocan City.
Ayon kay Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng Homicide Section ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, masusing inaalam nila ang dahilan ng pagpatay kay Edres Domato, chairman ng Barangay 188 sa Tala, Caloocan City.
“Lahat ng posibleng anggulo eh sinisilip po namin para ma-establish kung ano ang motibo at pinatay ang biktima,” ani Monsalve. “We will continue to gather more information and hopefully in the coming days mas luminaw ang ginagawa naming imbestigasyon sa insidente.”
Bumibiyahe si Domato sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa La Mesa Dam sa Quezon City noong Sabado ng gabi sakay ng kaniyang itim na Toyota Fortuner nang paulanan ito ng bala ng dalawang kalalakihang sakay ang isang Rusi motorcycle.
Kapwa nakasuot ng itim na helmets at itim na jackets ang dalawang suspek sakay ng motor na mayroon pang plate markings na “Duterte.” Dead on the spot ang biktima habang tumakas sa hindi pa madeterminang direksyon ang mga suspek. (Francis T. Wakefield)