Makakatuntong muli sa Palasyo ng Malakanyang matapos ang anim na taon ang mga pambansang atleta sa pakikipagharap kay Pangulong Duterte sa Lunes para sa tradisyunal na courtesy call at sendoff ng mga nakapagkuwalipika sa 2016 Rio De Janeiro Olympic Games.
Ipinaalam mismo ni Presidential Executive Assistant Bong Go ang kumpirmasyon Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez na siyang sumulat para mabigyan ng kahit kaunting pag-asa ang mga Pilipinong atleta na sasabak sa kada apat na taong torneo.
“Our PSC chairman texted us about the confirmation of the sendoff of 11 athletes that will compete in Rio,” sabi lamang ni incoming PSC commissioner Charles Maxey. “The sendoff is set at 2:30 p.m.”
Una nang sumulat si Ramirez sa mga mas nakakataas nitong opisyales para mabigyan naman ng pagkakataon ang mga pambansang atleta na ipinaliwanag nitong hindi man lamang nakatuntong at nakaharap ng mga namumuno sa nakaraang administrasyon bago sumabak sa SEA Games, Asian Games at maging sa Olympics. (Angie Oredo)