Si Freddie Aguilar ang itinalaga ni President Rodrigo Duterte bilang commissioner ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Si Aguilar ang paboritong singer ni President Duterte na siya ang kumanta noong inauguration nito.
Sa panayam kay Aguilar ng “Aksiyon Tonite sa TV5,” sinabi niyang habang naghihintay ng bagong department nabubuo para sa paglinang ng sining at kultura ay itinalaga muna siya ng pangulo para maging commissioner ng NCCA. Ani Freddie, gusto niya ng tunay na pagbabago sa sining at kultura, isang cultural revolution.
Aniya, marami pang kulang sa NCCA, kaya gusto niyang magkaroon ng isang departamento natatawaging Department of Culture and Arts para maging malawakang masasakupan nito.
Matatandaang naunang nabalita na si Aiza Seguerra na isa ring avid supporter ni President Duterte ang diumano’y itatalaga bilang NCCA commissioner. Mariing itinanggi ‘yun ni Aiza na aniya sa isang interbyu ay humingi lang ito ng tulong sa kanya para sa NCCA.
Disappearing act
Pagkatapos ng cast presentation ng “Encantadia” ay biglang nag-disappearing act si Sunshine Dizon. Hinahanap siya ng entertainment writers para mainterbyu. Umalis agad siya para hindi na siya matanong tungkol sa hiwalayan nila ng husband niyang si Timothy Tan.
Anyway, may special participation si Sunshine sa “Encantadia” bilang Adhara. Kontrabida role siya at lalabas ang karakter niya sa pilot episode kung saan may fight scenes siya kina Max Collins at Marian Rivera.
Cameo role lang si Max sa “Encantadia,” pero dumating siya sa presscon. She plays Amihan, sister ni Ynang Reyna Minea (Marian).
No show si Marian sa presscon, pati ang husband niyang si Dingdong Dantes na pareho silang may special roles. May kilig factor ang mag-asawa na gumaganap bilang Raquim at Ynang Reyna Minea. Ngayong Lunes (July 18) magsisimula ang “Encantadia” sa GMA Telebabad.
Moving on
As expected, itinanong kay Rocco Nacino noong presscon ng “Encantadia” ang ex-girlfriend niyang si Lovi Poe. Aniya, moving-on pa rin siya sa kanilang break-up. Sobrang nasaktan siya sa nangyari. Walang third party, kundi personal ang dahilan, ayon kay Rocco.
Aniya pa, minahal niya nang todo si Lovi. Pero wala naman siyang pinagsisisihan dahil maraming magagandang alaala ang pinagsamahan nila bilang boyfriend-girlfriend.
Hindi niya masabi kung magkakaroon pa sila ng second chance ni Lovi. Matagal na silang walang communication at focused siya ngayon sa “Encantadia” where he plays Aquil.
Aniya, excited siya sa fight scenes dahil nagagamit niya ang kaalaman niya sa martial arts. Memorable kay Rocco ang pagdalaw sa set ni Conan Stevens, ang Hollywood actor at star ng “Game of Thrones. Saglit silang nagkausap at binigyan pa siya nito ng tips sa fight scenes niya sa “Encantadia.”
Miscommunication
Miscommunication ang paliwanag ni Gabbi Garcia sa mga nakausap na entertainment writers noong presscon ng “Encantadia.” Muling naungkat ‘yung isyu na diumano’y nagmaldita siya sa isang grupong dancers na nakasama niyang nag-perform sa isang out-of-town show.
Diumano, matapos ang kanilang show ay iniwan niya at ng mga kasama niya ang naturang grupo ng dancers dahil diumano pa rin, ayaw niyang makasabay ang mga ito.
Ayon kay Gabbi, nagulat na lang siya nang may lumabas na gano’ng balita. Anyway, sa “Encantadia” ay gumaganap si Gabbi bilang Alena, ang karakter na ginampanan ni Karylle sa original version nito.
Si Ruru Madrid ang kanyang love interest na gumaganap bilang Ybarro. Ani Ruru, kinarir niya ang pagda-diet at pagwo-workout para maging physically fit siya. Sumailalim din siya sa intense training ng martial arts para sa kanyang fight scenes.