Mahigit sa 100 immigration officers na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa ang binigyan ng bagong assignments para maalis ang korupsyon sa ahensiya at mapabuti pang lalo ang serbisyo sa mga lokal at dayuhang biyahero.
Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na ang pagbalasa sa mga tauhan ng ahensiya ay alinsunod sa kautusan ni President Duterte na alisin ang familiarization sa mga operating units.
Ayon pa sa BI chief, ang pagpapalit ng mga tao ay naglalayong mapigilan ang pagkakapatiran ng mga empleyado na siyang pangunahing sanhi ng korupsyon sa mga ahensiya ng gobyerno.
Mahigit sa kalahati ng mga naapektuhan ng revamp ay nakatalaga sa tatlong terminal ng NAIA. Maliban sa pagtatalaga ng mga bagong immigration head supervisors, naglagay din si Morente ng immigration officers na mamumuno sa pangunahing units sa main office at subport offices. (Jun Ramirez)