Iniimbestigahan ng Philippine Army ang isang Army reservist dahil sa panunutok ng baril sa kanyang pamangkin sa Tondo, Manila, noong Linggo ng gabi. Sinabi ni Col. Benjamin Hao, Army spokesman, na ang suspek na si Army reservist Rodrigo O.
Balza, 48, ay nakasuot pa ng military uniform nang dumating sakay ng motorsiklo sa tapat ng isang computer shop at bigla niyang sinipa ang kanyang pamangkin na si Roy Balza, isang barangay tanod.
Matapos ang pananadyak, binunot ni Balza ang kanyang baril at itinutok sa kanyang biktima. Ang insidente ay nai-record ng close circuit television (CCTV) sa lugar.
Napag-alaman sa isinagawang background check na ang suspek ay nakatalaga sa 1304th Community Defense Center sa Del Pan Evacuation Center sa Tondo, Manila.
Ayon kay Brig. Gen. Joshua Santiago, commander ng the National Capital Region Regional Community Defense Group (NCRRCDG), Army Reserve Command, na awtorisadong magdala ng baril si Balza ngunit inaalam pa nila kung ang baril na ginamit niya sa panunutok ay lisensiyado.
Sinabi ni Santiago na nasa custody na nila ang suspek. (Francis T. Wakefield)