BAGUIO CITY – Naglatag ng P100,000 pabuya ang city government at Guardians Reform Advocacy for Cooperation and Economic Prosperity, Inc. (GRACE-Guardian) para sa makapagtuturo sa pumatay sa isang money exchange shop owner noong June 15.
Patay sa tama ng baril sa dibdib si Larry Oliva Haya nang naglalakad ito matapos manggaling sa kaniyang PX store at money exchange shop.
Ayon sa hepe ng investigation division ng Baguio City Police Office na si Superintendent Jerry Fernandez, hawak na nila ang CCTV footage kung saan dalawang mga suspects ang nakitang tumatakbo palayo sa crime scene.
Hindi naman malinaw sa nasabing footage ang mga mukha ng suspects. “Umaapela kami sa sinumang may nalalaman sa kasong ito at sa mga taong gustong makita ang mukha ng mga salarin mula sa CCTV footage ay pumunta lamang sa aming opisina, para makita ito at matukoy ang pangalan.
Maaari din kaming tawagan sa (074) 444-1483 sa pagbibigay ng impormasyon ng mga suspek,” panawagan ni Fernandez.
Kinuha ng mga suspects and sling bag ng victim na may laman na $50,000 (P2,330,000);10,000 Malaysian ringgit (P112,000); 1,150 Pounds (P76,475);1,900 Euros (P99,370), P320,000. (Zaldy Comanda)