CAMP GEN. PANTALEON GARCIA, Imus City, Cavite – Nakaratay ngayon sa ospital ang isang pulis na malubhang nasugatan pagkatapos mabaril sa ulo habang nakikipagagawan ng baril sa isang drug suspect na kanyang naaresto sa Amadeo, Cavite kamakailan.
Kinilala ni Supt. Janet Lumabao Arinabo, Cavite Police Provincial Office Information Officer, ang biktima na si SPO1 Roberto Lacasa, Amado police intelligence operative. Nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi ayon kay Arinabo. Naaresto at nasugatan ang suspek na si Alan Parinas Domaniel, 40, tubong Negros Occidental at residente ng Poblacion I, Amadeo sa isang buy bust operation.
Habang dinadala ang suspek sa ospital gamit ang Mahindra patrol vehicle, inagaw umano ni Domaniel ang baril ng biktima. Nakipagbuno ang biktima sa suspek pero bigla itong pumutok at natamaan si Lacasa sa ulo. Binaril ng mga kasamahan ni Lacasa ang suspek na kaagad nitong ikinamatay. Sinabi ni Arinabo na malaki ang katawan ni Domaniel at lasing ito nang mangyari ang insidente. Kasalukuyang inoobserbahan si Lacasa sa Intensive Care Unit ng M.V. Santiago Hospital sa Trece Martirez City, Cavite.
Inaasahang dadalaw si Philippine National Police chief Director General Ronald M. dela Rosa kay Lacasa. Matatandaang dinadalaw at pinapangaralan ni Dela Rosa ang mga pulis na nasugatan sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa iba’t-ibang dako ng bansa. (Anthony Giron)