Isang bumbero ang nasaktan habang walong pamilya ang nawalan ng bahay nang sumilab ang isang sunog sa lugar ng informal settlers sa Quezon City sa gitna ng malakas na buhos ng ulan noong Sabado.
Ayon kay Fire Supt. Jesus Fernandez, Quezon City Fire Marshall, humigit-kumulang sa P100,000 halaga ng ari-arian ang nasira ng sunog na nagsimula sa No. 14 Kalayaan C, Barangay Batasan Hills, Quezon City, bandang 7:52 p.m., nitong Sabado.
Kiniala ni Fernandez ang nasugatang bumbero na si Fire Officer 2 (FO2) Andrew Pulido. Nagtamo ng hiwa si Pulido sa gitnang daliri habang inaapula ang apoy.
Base sa imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa bahay na pag-aari ni Jovita Gavo, 82, na tinitirhan ng isang Marilyn Goce. Napag-alaman na sumiklab ang apoy sa sala ng bahay at mabilis na kumalat sa tatlo pang bahay na yari sa kahoy. Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog na naapula sa oras na 8:11 ng gabi. (Francis T. Wakefield)