ALAMINOS, Laguna – Pinarangalan ng local government ang isang tricycle driver matapos magsauli ito ng halagang P600,000 na naiwan sa kaniyang minamanehong tricycle noong August 19.
Kinilala ang tricycle driver na si Almer K. Macasadia, 58 anyos at residente ng San Gregorio Village.
Nakalagay ang pera sa isang plastic sando bag na naiwan ng kamag-anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) ng Italy na nagbabakasyon sa bansa.
Ayon sa report, nag-withdraw ang OFW, na ayaw ibigay ang pangalan, sa isang commercial bank sa Poblacion Village sa parehong bayan.
Ipinadala naman ng naturang OFW ang salapi sa kaniyang kamag-anak na dalhin sa kanilang tahanan sakay ng tricycle ni Macasadia.
Matapos ihatid ni Macasadia ang kamag-anak ng OFW at dalawang iba pa sa kani-kanilang tahanan ay napansin nito ang isang plastic bag sa kaniyang tricycle.
Laking gulat nito nang makita ang daan-daan piraso ng P1,000 bill at ilang piraso ng euro na agad naman na isinauli ni Macasadia.
Pinarangalan naman ni Alaminos Mayor Loreto Masan na nangako din ng ayuda sa asawa nito na nagtitinda ng gulay sa kanilang lugar. (Danny J. Estacio)