Bagamat wala pang dapat ikabahala ang bansa tungkol sa Zika virus, pinaigting na ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang information drive at kampanya sa kalinisan ng kapaligiran upang maiwasan ang paglaganap ng nakamamatay na virus.
Hinimok ni Manila Mayor Joseph Estrada kahapon ang 896 barangay ng lungsod para na tulungan ang Manila Health Department (MHD) sa isinasagawang information campaign at cleanliness drive.
Ginawa ng alkalde ang hakbang matapos na alertuhin ng Department of Health (DoH) ang publiko sa outbreak ng Zika sa Singapore kung saan 41 katao na naapektuhan.
Sinabi ni Estrada na gagamitin ng pamahalaang lungsod ang lahat resources upang maturuan ang bawat pamilya ng kahalagahan ng kalinisan sa pagpigil sa paglaganap ng mga sakit na dala ng lamok tulad ng Zika, Dengue, at Chikungunya. (Betheena Kae Unite)