Droga ang isa sa mga nakikitang ugat ng pagpatay sa barangay chairman sa loob ng bilyaran sa Pasay City kamakailan.
“Sa mga nakausap namin ay ito ang lumalabas, na sangkot diumano. Pero kailangan pa natin mag imbestiga para mapatunayan kung ito ay totoo,” ayon kay SPO4 Allan Valdez may hawak ng kaso ng pagpatay kay William Abundo, 56, chairman ng Barangay 168, Zone 8, Malibay.
Ibinunyag ng Pasay Police Station Anti-Illegal Drugs na hindi nagsumite ng mga sumuko ang biktima sa ilalim ng “Oplan: Tokhang” na nagsimula pa noong Hulyo.
Napagalaman din na gumagamit umano ng droga ang biktima. “Bukod sa pinoprotektahan niya ‘yong mga kaibigan niya na involved sa droga ay gumagamit rin siya,” ayon sa isang source.
Pinabulaanan naman ito ng mga kamaganak ng biktima. Binaril ang biktima ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at nakasuot ng helmet at itim na jacket. (Martin A. Sadongdong)