Nakaligtas ang isang hinihinalang drug pusher sa pamamaril ng dalawang nakamotorsiklong lalaki ngunit sugatan naman ang isang pitong taong gulang na batang lalaki nang sa kanya tumama ang bala na dapat ay sa target ng mga salarin sa Pasay City, Lunes ng hapon.
Kinilala ni SPO4 Allan Valdez, may hawak ng kaso, ang biktimang si Meljo Tamor ng No. 644 New Era Compound, Protacio St., Brgy. 137, Zone 15, Pasay.
Kasalukuyan siyang inoobserbahan sa Pasay City General Hospital dahil sa tama ng bala sa kanang braso. Base sa imbestigasyon, magkatabing nakaupo si Tamor at isang Rafael Combe alyas Paeng sa harapan ng isang grocery store nang maganap ang pamamaril bandang 5:40 p.m. nitong Lunes.
Pinaputukan ng backrider ng motorsiklo si Combe ngunit bigo siyang tamaan ang huli. Muling nagpaputok ang armadong lalaki ngunit muling nakaiwas sa bala si Combe, at sa halip ay si Tamor ang tinamaan.
Tuluyang naiwasan ni Combe ang pangatlong putok ng baril nang makatakbo siya sa loob ng tindahan. Tumakas ang mga salarin patungong Makati City nang makita nila ang sugatang bata.
Ayon sa pulis, hindi na nakita pa mula noon si Combe na napag-alaman na kasama sa listahan ng mga drug pusher sa kanyang barangay.
“Nagtago na siguro siya. Hinahanap na namin siya sa ngayon,” ayon kay Valdez. (Martin A. Sadongdong)