Sinorpresa ang baguhang Kapuso leading lady na si Inah de Belen nang ipapanood sa kanya ang isang heartfelt message mula sa kanyang inang si Janice de Belen para i-congratulate siya sa kanyang pagbida sa teleserye ng GMA-7 na “Oh, My Mama.”
Hindi napigilan ni Inah na maiyak dahil ramdam nito ang suporta ng kanyang buong pamilya, lalo na ng kanyang ina.
Dasal ni Janice para sa kanyang anak na si Inah na matagumpayan nito ang pagiging bida sa isang teleserye.
Pagkatapos na pumirma si Inah bilang exclusive artist ng GMA-7, agad siyang binigyan ng pagbibidahan na teleserye na hango sa isang pelikula ng Regal Films noong 1981 na pinagbidahan ni Maricel Soriano.
Pinagdaanan din daw ni Janice ang pamilyar na situwasyon ng kanyang anak noong gawin siyang bida noon sa soap drama na “Flordeluna” noong 1978 sa RPN-9. Ten years old lang si Janice noon.
Bagama’t baguhan at wala pang experience sa paglabas sa mga drama series sa TV noon si Janice, naging household name siya dahil tumagal ang “Flordeluna” ng higit na limang taon sa ere.
Kaya alam ni Janice ang pakiramdam na ma-pressure dahil hindi biro ang maging bida ng isang TV drama.
“This is going to be a lot of pressure on her. Why? Because she has parents na parehong artista.
“She really has big shoes to fill, so like I said kanina she just really have to do this right.
“I want her to make us proud. Yun lang naman.
“Lahat kami, mga kapatid niya, mga pamangkin niya, we are all behind her and whatever happens, we will always love and support her,” diin pa ni Janice.
Ayon pa kay Inah, laging paalala sa kanya ng kanyang ina na huwag lalake ang ulo at parating nakasayad sa lupa ang mga paa. At parating maging thankful sa mga taong nakatulong na maabot niya ang kanyang mga pangarap.
Bukod sa teleserye, kasama rin si Inah sa indie film na “Die Beautiful” na pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros.
(RUEL J. MENDOZA)