Bad guy na naman ang role ni Sid Lucero sa “Alyas Robin Hood.” Aniya sa presscon, sobrang bad ang karakter niya bilang Dean. Isa siyang corrupt politician na may kagagawan sa pagkamatay ng ama ni Pepe (Dingdong Dantes) played by Christopher de Leon.
“Okey lang kung kontrabida role ako parati. I really don’t mind. Hindi naman ako choosy sa role. Pag mean role, hindi masyadong mabigat, walang pressure, unlike kapag bida role,” ani Sid.
Second time nila ni Dingdong magkatrabaho. Una silang nagsama sa “Etheria.” Dinirek pa nga raw siya ni Dingdong sa isang eksena dahil absent ang direktor nila.
Thankful si Sid sa GMA na muli siyang binigyan ng trabaho. For a while ay “nganga” siya dahil naging pasaway siya noon. Nagkaroon ng attitude problem.
Inamin ni Sid na drug user siya noon. Pero aniya, changed man na siya ngayon. More than two years na siyang “cleared” sa paggamit ng illegal drugs. Thankful siya sa suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Ani Sid, malimit siyang maimbitahan para magsalita tungkol sa illegal drugs.
Plus factor din ang kanyang 3-year old daughter na si Halo para magbago siya, ayon kay Sid.
Mixed emotions
Overwhelmed at mixed emotions si Inah de Belen sa una niyang project sa GMA7 ngayong certified Kapuso na siya.
Kamakailan ay pumirma siya ng kontrata sa Kapuso Network at afternoon prime series ang unang ipinagkatiwala sa kanya.
Lead role agad si Inah sa “Oh, My Mama” na aniya, excited, kinakabahan at may pressure sa kanya.
Naging emotional si Inah noong presscon sa sorpresang VTR message ng kanyang mommy (Janice de Belen). Sobrang proud and happy ito for her. Naniniwala si Janice na may kakayahan ang anak niya at magkakaroon ng sariling identity.
Sa September 19 ang pilot telecast ng “Oh, My Mama” after “Eat Bulaga.” Sina Jake Vargas at Jeric Gonzales ang leading men ni Inah.
Na-depress
Ang “Ang Hapis at Hinagpis ni Hermano Puli” ang closing film sa nakaraang 2016 Cinemalaya Independent Film Festival.
Umani ito ng magagandang reviews at feedbacks. Napuri rin ang acting ni Aljur Abrenica na siyang gumanap bilang Hermano Puli.
“I’m very grateful sa magagandang feedback, sa magagandang comments. Nag-research ako talaga tungkol sa buhay ni Hermano Puli. I really did my best in this movie,” pahayag ni Aljur.
Aniya pa, ginawa nila ang pelikula dahil hindi kilala si Puli sa labas ng Quezon at parang nakalimutan na raw ito sa kasaysayan. “Nakakataba ng puso na maraming excited na makilala si Hermano Puli at mangahas na umibig sa Diyos at sa bayan na katulad ng ginawa niya,” saad ni Aljur.
Aware siya na pinipintasan noon ang kanyang akting na aniya, nasaktan siya. Na-depress, kaya he took a break. Nag-travel siya here and abroad at nag-analyze ng mga bagay-bagay. Tinanong niya ang kanyang sarili bakit? Ginagawa naman daw niya lahat ng kanyang makakaya.
Ayon kay Aljur, nanood siya ng mga pelikula ng idol niyang si Marlon Brando. “He’s my hero, my idol,” ani Aljur.
Pinag-aralan niya ang acting nito. Nagbasa rin siya tungkol sa buhay ng ibang magagaling na artista at ginawa niyang inspirasyon ang mga ‘yun.
Produced by T-Rex Productions and directed by Gil Portes, ipapalabas sa mga sinehan nationwide ang “Hermano Puli” simula September 21. May premiere night on September 19 sa SM Megamall cinema. Tampok din sa pelikula ang mga kapatid ni Aljur na sina Vin at Allan Abrenica, Louise delos Reyes, Enzo Pineda, Archie Adamos, Markki Stroem, Menggie Cobarrubias, Kiko Matos, Simon Ibarra, Sue Prado, Diva Montelaba, Abel Estanislao, atbpa.