DAVAO CITY – Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte ng muling pagpapasabog ng mga terorista matapos ang malagim na bombing incident ilang linggo na ang nakakaraan sa isang night market.
Ayon kay Duterte, inaasahan na niya ang paghihiganti ng mga terorista bukod pa sa isyu ng usaping pangkapayapaan na naapektuhan dahil sa presensiya ng sundalong Amerikano sa Mindanao.
“There will be another explosion believe me,” ani Duterte.
Ibinunyag ni Duterte na hindi lamang sa Davao City posibleng mangyari ito kung di maging sa ibang parte ng Mindanao.
Tinukoy naman ni Duterte ang mga sinasabing scholars at young fundamentalists na tumatanggi sa usaping pangkapayapaan habang nanatili ang American forces sa bansa.
Noong September 2 ay labing-apat na katao ang namatay nang sumabog ang isang bomba sa massage area ng isang night market sa Davao City.
Aabot sa 70 ang mga nasugatan sa parehong insidente.
Ginawa ni Duterte ang babala habang binibigay nito ang financial assistance sa mga naging biktima ng night market blast.
Samantala, ipinaalam din ni Duterte sa pamilya ng mga bomb victims na magtungo sa kaniyang tanggapan sakaling hindi sila maasikaso ng city government.
Sa kasalukuyan ay umabot na sa P4.5 million ang naipamahagi ng City government sa 69 na nasugatan at sa pamilya ng labing-lima sa mga nasawi. (Yas D. Ocampo)