OLONGAPO CITY – Imbes na sila ang mailagay sa loob ng kabaong, mas minabuti na ng sampung drug surrenderees na sila mismo ang gumawa ng ataul bilang livelihood program na magsisimula ng kanilang pagbabagong buhay.
Pormal nang ipinamahagi ni Olongapo City mayor Rolen Paulino ang mga kagamitan para sa nasabing programa na itinayo naman sa City Engineering Department ng lungsod.
“We want to give them a chance to find work rather than use drugs as an excuse to escape their everyday problems, so the city government gave them a solution,” ani Paulino.
Plano ni Paulino na gamitin ang mga nasabing ataol para sa mga namatay na indigent residents ng kanilang siyudad.
“It will save us a lot of money, instead of buying from private funeral homes,” ani Paulino.
Bukod sa mga ataol ay sisimulan din ng city government ang paggawa ng eco-bags ngayong mayroon na silang pinapatupad na no-plastic policy sa buong Olongapo.
Ang sampung drug users ay bahagi ng mahigit 300 drug dependents na sumuko sa nationwide ‘Oplan Tokhang’ program ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Dir. Gen. Ronald dela Rosa.
Naniniwala naman si Paulino na makakatulong ang kanilang programa sa kinakaharap na problema ng Oplan Tokhang program kung saan nagiging suliranin para sa mga awtoridad kung ano ang magiging pagtrato nila sa mga sumukong drug addicts.
“It might not be much, but it is a start,” dagdag ni Paulino. (JONAS REYES)