Patay ang isang hinihinalang drug pusher at ang kanyang kasama nang makipagbarilan sa anti-narcotics operatives sa Tondo, Manila, Lunes ng gabi.
Kinilala ng police ang mga napatay na sina Erick Santos at Armando Reyes, 28. Napag-alaman na sumuko na si Santos sa mga awtoridad sa isinagawang “Oplan Tokhang” kamakailan ngunit bumalik din siya sa pagbebenta ng droga.
Ayon sa police, si Santos mismo ang target ng buy-bust operation na diumanoy’s nagmi-maintain ng drug den sa loob ng kanyang bahay kanto ng Trinidad at Juan Luna Streets.
Base sa report ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District (MPD) homicide section na isang undercover police ng MPD Station 7 ang nakipag-deal kay Santos at Reyes para makabili ng shabu sa loob ng naturang bahay bandang 9:30 p.m..
Ngunit nang matunugan ng dalawang suspek na isang pulis ang kanilang kausap, agad silang bumunot ng baril at pinaputukan ang alagad ng batas ngunit hindi nila ito tinamaan.
Mabilis na kumilos ang mga kasamahan ng police at napatay sina Santos at Reyes. Na-recover sa mga suspek ang shabu, ang mga ginamit nilang baril, at R200 marked money at drug paraphernalia.
Dinakip din ng police operatives sina Joseph Alceso, 42; Jerry Boy Delima, 23; Bernardo Cabuhay, 29; and Julie Bautista, 35, na nahuli sa aktong sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay ni Santos. (Analou De Vera)