ROSALES,Pangasinan – Nanawagan ang Samahang Industriya ng Magsasaka sa pamunuan ng San Roque dam na magpakawala na ng tubig nito bago pa dumating ang bagyong Lawin.
Sa isang telephone interview kay SINAG chairman Engr. Rosendo So, mas makabubuti kung unti-unti nang pakawalan ang tubig ng dam habang malayo pa ang epekto ng nasabing bagyo.
“Mukhang ang direksiyon ng bagyo ay ang Ilocos region at tiyak na magdudulot ito ng malaking danyos sa pananim kaya makakabuti kung makapag release na ng maaga bago pa maramdaman ang malakas na bagyo,” ani So.
Karamihan sa mga hanap-buhay sa Pangasinan ay nanggagaling sa agricultural sector na siya namang tumatanggap ng malaking pinsala sa tuwing dinadaanan sila ng bagyo.
Marami naman sa mga magsasaka dito ay nakatakda nang mag-harvest ng kanilang pananim ngayong buwan kaya naman ganoon na lamang ang pangamba ng mga ito sa posibleng maging epekto ng bagyong Lawin.
Sa ngayon ay patuloy pa ang assessment sa naging pinsala ng bagyong Karen na tinumbok din ang Pangasinan.
(Liezle Basa Iñigo)