KONTRABIDA na naman ang role ni Thea Tolentino sa upcoming GMA Afternoon Prime Series na “Hahamakin ang Lahat.”
Aniya, okey lang, basta may trabaho siya. Magmamaldita naman siya kay Joyce Ching, ang lead female star sa HAL.
Mag-pinsan sila rito at ani Thea, looking forward siya sa mga awayang eksena nila ni Joyce. First taping day pa lang ni Thea noong dumalaw kami kasama ang ilang entertainment writers sa set ng HAL sa Tivoli Royale subdivision, QC.
Hindi pa masabi ni Thea ang kamalditahang gagawin niya kay Joyce. “Basta bad girl ako. Sa totoong buhay, good girl ako at magkaibigan kami ni Joyce.”
Handa
Anytime, handang magpa-drug test si Kristoffer Martin. Nakausap namin siya sa taping ng “Hahamakin ang Lahat” at aniya, “Pinagsususpetsahan ang showbiz personalities na nagda-drugs. Unfair naman sa mga hindi.”
Sa HAL, isang varsity swimmer ang role ni Kristoffer. Mai-in love siya kay Joyce Ching kahit nabuntis ito ng boyfriend na ayaw panagutan ang ginawa.
“Aakuin ko ang responsibilidad. Magkakaroon ng conflict dahil Chinese ang pamilya nila,” lahad ni Kristoffer.
In real life, kaya ba niyang panagutan ang girl na nabuntis ng iba?
“Hindi ko masabi. Siguro, kung talagang mahal ko,” ani Kristoffer.
Swimmer in real life si Kristoffer, kaya nakaka-relate siya sa kanyang role sa HAL. Nagdyo-join siya sa swimming competitions. Two years to go at graduate na si Kristoffer ng Entrepreneurship sa San Beda College. Huminto muna siya sa pag-aral dahil nahihirapan siyang pagsabayin ang career at studies. May T-shirt business siya, kasosyo ang ilang classmates sa SBC. Sa loob ng campus sila nagbebenta sa kanilang classmates at schoolmates by order.
Nag-drugs
Aminado si Christopher de Leon na drug user siya noong kabataan niya. Wasted siya noon kapag nagre-report siya sa shooting ng ginagawa niyang pelikula. Naging problema siya ng direktor at production staff. Hanggang wala nang producer na kumukuha sa kanyang serbisyo.
Aniya pa sa interbyu sa kanya sa presscon ng “The Escort,” nilayuan siya ng mga kaibigan niya, pati kanyang pamilya.
Naibenta niya ang mga gamit niya.
Na-realize niyang walang mabuting idudulot ang drugs. Nagbalik-loob siya kay God. Inayos niya ang kanyang buhay.
Payo ng premyadong actor sa mga celebrity na nagda-drugs, tumigil na sa kanilang bisyo.
Sa Nov. 2 ang showing ng “The Escort” kung saan kasama ni Christopher sina Lovi Poe at Derek Ramsay. Directed by Enzo Wiiliams, produced by Regal Entertainment.