Dahil sa paglabag sa sanitation code at reklamo ng mga residente, ipinasara ng Quezon City government noong Martes ang isang funeral parlor sa Barangay Paang Bundok kung saan nakumpiska ang higit sa 100 bangkay na matagal na nakaimbak doon.
Nagpalabas ng cease and desist order and City Health Department noong September 23 laban sa Henry Funeral Homes na mina-manage ng isang Severino “Boyet” Mancia dahil sa kabiguan nitong kumuha ng kinakailangang sanitary at health permits.
Maliban sa pag-ooperate na walang sanitary permit, nakatanggap ang City Health Department ng paulit-ulit na reklamo mula sa mga residente ng lugar dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa funeral home.
Isa sa mga nagreklamo ay si Blanquita Angeles na nagsabing nagkaroon ng respiratory diseases ang tatlong apo niya dahil sa amoy ng formalin.
“Sobra na po iyong amoy ng formalin. Masakit na po sa dibdib,” sabi ni Angeles.
Nang magsagawa ng inspection ang health authorities, laking gulat nila nang makita ang bunton ng mga bangkay na matagal nang nakaimbak dahil walang nagki-claim, ayon kay Dr. Verdades Linga.
“Kung hindi ito naagapan, pwede tayong magkaroon ng epidemic dito,” pahayag ni Linga.
Para mapigilan ang posibleng epidemya, nilagyan nila ng disinfectant ang mga bangkay at inilagay sa black bags.
Base sa report ng City Health Department, halos 96 na black bags ang kanilang nagamit at ilan doon ay naglalaman ng tig-dadalawang bangkay.
Iniutos ni Dr. Linga ang paglibing sa mga bangkay sa loob na 48 oras para hindi makompromiso ang kalusugan ng komunidad. (Chito A. Chavez)