Tinatayang nasa P1.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam habang limang high-value drug targets ang naaresto sa isang patibong na ikinasa ng police operatives sa Quezon City noong Miyerkules ng hapon.
Ayon sa police, nasakote ang mga suspek na sina Rolando Lampao, 42; Nenalyn Diono alias “Tisay,” 49; Maria Luisa San Martin alias “Malou,” 41; Jonathan Regala alias “Bakla,” 32; at Emie Rose Teves alias “Bilog,” 31, sa buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Quezon City Police District anti-illegal drugs (QCPD-DAID) unit sa isang apartelle sa Congressional Avenue dakong 4:30 p.m.
Sinabi ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar na inilunsad nila ang operasyon matapos nilang makumpirma ang kuneksiyon ni Lampao sa Chinese drug lords na hindi muna pinangalanan ng police.
Nalaman ng police na direktang nakikipagtransaksiyon si Lampao sa dayuhang drug suppliers at nakakapagbenta ng dalawang kilong shabu sa kanyang mga kliyente araw-araw sa Quezon City, Manila, at Parañaque.
(Vanne Elaine P. Terrazola)