Patay ang isang pulis na aktibo sa anti-drug campaign ng pamahalaan pagkatapos pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasakay ng motorsiklo sa Parañaque City noong Biyernes.
Kinilala ni Senior Supt. Jose Carumba, Parañaque police chief, ang biktima na si PO3 Alberto Canon, nakatalaga sa Parañaque Police Community Precinct.
Ayon kay SPO1 Walter Dulawan, case investigator, sakay ng kanyang motorsiklo si Canon papasok ng trabaho sa West Service Road sa Barangay Sun Valley ng mangyari ang insidente.
Biglang lumapit ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at pinaputukan ng ilang beses ang biktima sa katawan.
Sumemplang sa kalye ang biktima at humingi ng tulong ang mga residente sa mga otoridad nang malamang binaril si Canon at itinakbo sa ospital.
Namatay ang biktima sa ospital dahil sa mga tinamo nitong tama ng bala sa katawan.
Inaalam na ang motibo ng insidente. Hinala ng mga pulis na may kinalaman ang insidente sa active participation ng biktima sa anti-illegal drug operations sa Parañaque.
“Marami na raw siyang natatanggap na death threats sa kanyang cellphone dahil sa dami ng na-‘Tokhang’ niya sa sakop niyang lugar,” Carumba said. (Martin A. Sadongdong)