Pinapayuhan ang mga barangay officials sa buong Manila na sumailalim sa mandatory drug tests simula Nobyembre 7, 2016.
Nagbabala si Mayor Joseph Ejercito Estrada na papatawan ng “severe sanctions” ang mga barangay officials na hindi pupunta sa Manila Barangay Bureau (MBB) office para magpa-drug test.
“We will not entertain any excuses or alibis. They have been warned before. This is compulsory,” pahayag ni Estrada na naka-takdang personal na pangasiwaan ang drug test ng unang batch ng barangay officials sa susunod na Lunes.
Sinabi ni Estrada na ang programa ay bahagi ng pagsisikap ng kanyang administrasyon na linisin ang hanay ng city hall officials, mula vice mayor hanggang barangay councilors ng mga taong sangkot sa droga.
Ang hakbang ng alkalde ay bunga ng isinagawang anti-drug operation sa Islamic Center sa Quiapo noong nakaraang buwan kung saan napatay si Barangay 648 Chairman Faiz Macabato matapos na makipaglaban sa mga pulis na magsisilbi sana ng arrest warrant laban sa kaniyang kapatid. (Analou de Vera)