Inilunsad ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai ang agricultural business program para hikayatin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na magnegosyo na makalilikha ng trabaho sa kani-kanilang bayan at komunidad.
Sa ulat ni Labor Attache Ofelia Domingo kay Kalihim Silvestre H. Bello III ng Department of Labor and Employment (DoLE), sinabi niya na ang programang “Dubai Entrepinoy Reintegration Program,” ay magbibigay daan para sa pag-unlad ng ekonomiya at sa reintegrasyon ng mga OFWs mula sa Dubai at Northern Emirates.
“Nilalayon nitong makatulong sa pagbuo at implementasyon ng programang tutugon sa mga pangangailangan ng OFW at ng kanilang pamilya na naayon sa pangangailangan ng kanilang komunidad, upang mapakinabangan ng husto ang benepisyo ng migrasyon sa pagpapaunlad ng ating bansa,” ani Domingo.
Ang programa ay ipatutupad ng POLO-Dubai sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General Dubai and Northern Emirates (PCG-DNE), Filipino Human Resources Practitioners’ Association (Fil-HR-Dubai), Don Bosco Multipurpose Cooperative (DBMC), at ang munisipalidad ng Mlang, North Cotabato.
Sinabi ni Domingo na bahagi ng programa ang produksyon ng organic rice, na manggagaling mula sa munisipalidad ng Mlang, North Cotabato, na kinikilalang pinakamahirap na probinsiya ng Pilipinas at ito ay ipamamamahagi sa UAE, sa pamamagitan ng DBMC.