Isa na namang drug suspect ang napatay habang 35 iba pa, kasama ang anim na kababaihan at limang menor de edad, ang nadakip sa dalawang magkahiwalay na anti-illegal drug operations na isinagawa ng Quezon City Police District (QCPD).
Kinilala ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, QCPD director, ang napatay na suspect na si Ronald Manuel alias “Manuel”, 42, nakatira sa 778 Tandang Sora St., Barangay Old Balara, Quezon City.
Sinabi ni Eleazar na kilalang drug pusher at drug den maintainer si Manuel sa kaniyang lugar. Kasama rin siya sa drug watch list ng QCPD Batasan Police Station 6 (PS-6).
Ni-raid ng mga operatiba sa pamumuno ni Police Supt. Lito E. Patay ang bahay ni Manuel dakong 3:30 p.m. matapos makatanggap ng information na may nagaganap na shabu session doon.
Ang naturang bahay ay ginagamit umano nina Manuel at live-in partner na si Eliza Cruz bilang drug den at shabu tiangge.
Nang dumating ang mga pulis sa lugar, agad na pinaputukan sila ng baril ni Manuel. Gumanti ang mga alagad ng batas at tinamaan ang suspek. Dead on arrival si Manuel sa Quirino Memorial Medical Center.
Nahuli naman ang 19 na katao, anim sa kanila ang babae kasama si Eliza Cruz at apat na menor de edad, habang sumisinghot ng shabu sa loob ng bahay ni Manuel.
Naaresto rin ang 16 pang drug suspect habang gumagamit ng droga nang magsagawa ng “One Time Big Time” (OTBT) operations ang Novaliches Police Station 4 (PS-4) sa Sarmiento St. at Geronimo Compound sa Barangay Santa Monica, Novaliches, Martes ng gabi. (Francis T. Wakefield)