SOBRANG enjoy ang Kapuso actress na si Thea Tolentino sa pagganap bilang kontrabida.
Parang natural na raw ang pagmamaldita niya kay Joyce Ching sa teleseryeng “Hahamakin ang Lahat” ng GMA-7.
Inamin ni Thea na less pressure raw sa kanya ang magkontrabida kesa noong nagbida siya noon sa teleseryeng “Pyra, Babaeng Apoy.”
Sa “Hahamakin ang Lahat” ay hindi raw sa kanya nakatutok ang mga manonood kundi sa mga bida na sina Kristoffer Martin at Joyce Ching.
“Before po kasi noong ginagawa ko ang ‘Pyra,’ lagi akong kinakabahan kasi baka may mang-okray sa acting ko.
“Eh baguhan lang po ako noon. Konti pa lang ang experience ko sa pag-arte dahil sa ‘Protégé.’
“Noong magkontrabida ako noong una sa ‘Anna KareNina,’ marami ang nagsabing bagay sa akin. Hanggang sa gawin na namin ni Barbie Forteza ’yung ‘The Half-Sisters,’ doon na ako tumodo sa pagiging kontrabida.
“Yung last ko na ‘Once Again,’ gano’n din ang ginawa ko at lalo na rito sa ‘Hahamakin ang Lahat.’
“Iniisip ko nga kung sino ang susunod kong pagmamalditahan? Parang iniisa-isa ko na ang mga babae sa GMA!” tawa pa niya.
Pero minsan daw ay wini-wish ni Thea na magbida siya ulit. Ang problema lang daw ay walang maipareha na leading man sa kanya.
“Yun po ang problema. Wala silang maisip na maipares sa akin.
“Si Jeric Gonzales kasi, pine-pair na siya sa ibang mga babae na rin.
“Kapag tinatanong nila ako kung sino ang gusto ko, wala rin akong masagot. Taken na rin kasi ’yung mga gusto kong maka-partner,” diin pa niya ulit.
Nag-turn 20 years old na si Thea last August at ready na rin siya sa mga daring roles. Nasubukan na niyang mag-two piece bikini at makipag-kissing scene kay Aljur Abrenica sa “Once Again.”
“Sobrang ready na ako for more mature roles. Okey lang ang maging daring para ma-justify ang pagiging kontrabida ko,” pagtapos pa ni Thea Tolentino. (RUEL J. MENDOZA)