Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga dumarating at umaalis na pasahero ngayong kapaskuhan, magpo-focus ang traffic policemen mula sa Highway Patrol Group (HPG) sa lahat ng daanan patungo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Chief Supt. Antonio Gardiola, HPG director, na ginawa niya ang hakbang dahil sa inaasahang paglobo ng bilang ng mga sasakyang susundo at maghahatid sa mga pasaherong magbabakasyon sa mga probinsiya at ibang bansa.
“We will be distributing our men in the NAIA area especially this season because a lot of our kababayan are expected to go back to celebrate Christmas,” sabi ni Gardiola.
Base sa karanasan noong mga nakaraang taon, umaabot sa tatlong oras bago makapasok at makalabas ng NAIA tuwing Holiday season.
Kasama sa focus ng deployment ng HPG personnel ang C-5 areas na isa sa pangunahing lugar nagiging sanhi ng matinding trapiko sa Metro Manila.
Sinabi ni Gadiola na magtatalaga rin ng HPG personnel sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kung saan mabigat ang trapiko tuwing Christmas break.
Matatandaan na inalis na ang HPG policemen sa EDSA kung saan una silang itinalaga matapos makita na bumuti na ang kundisyon ng trapiko sa naturang lugar.
“We are still open to returning to EDSA but we are first concentrating on these three areas to train and integrate different enforcers there,” sabi pa ni Gardiola. (Aaron B. Recuenco)