BATANGAS (PIA) – Humigit kumulang sa 100 establisimyento, kumpanya at institusyon ang nakibahagi sa isinagawang kauna-unahang Employers’ Forum sa lungsod na ginanap sa Malvar Tent ng Hotel Pontefino kamakailan.
Ang naturang aktibidad ay magkatuwang na itinaguyod ng Public Employment Service Office at Metro Batangas Business Club (MBCC) na layong magkaroon at mabuo ang isang magandang ugnayan sa pagitan ng pamahalaang lungsod at sector ng pagnenegosyo.
Ayon kay Noel Silang, pinuno ng PESO Batangas City, tungkulin nila na makapagbigay serbisyo sa mga employers at sa mga job seekers kaya’t humihingi sila ng kooperasyon ng mga kumpanya na magsumite ng buwanang report ukol sa employment status nito.
Tinalakay naman ni Business Permits and Licensing Officer (BPLO) Ditas Rivera ang Ordinance #8 S.1994 o ang Act Providing Priority in Employment or Work to Qualified Barangay Residents on Businesses established and infrastructure Projects within the Territorial Jurisdiction of the barangays within Batangas City and providing penalties for violation thereof.
Dagdag naman ni Atty. Generoso Santos, kasalukuyang Pangulo ng National Association of Labor Arbiters, ang batas kaugnay sa paggawa o labor laws, status of contractualization at end of contract.