CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Upang matulungan ang mga katutubong Mangyan sa bayan ng Baco, namahagi kamakailan ng tulong ang Oriental Mindoro Senior Citizens Cultural Organization, Inc. (ORMDOSCCO) sa mga residenteng Mangyan sa Barangay Baras, Baco bilang bahagi ng kanilang outreach program.
Ang gawain ay pinangunahan ni Senior Citizens Provincial Coordinator Zeny Garing kasama ang mga opisyal at kasapi ng Oriental Mindoro Federation of Senior Citizens.
Sa kabila ng malayo at mahirap na daan patungo sa naturang lugar, nagsikap ang mga pangunahing mamamayan ng lalawigan na maabot ng tulong ang malayong barangay.
Sa mga ipinamahaging damit at pagkain sa mga katutubo, nakinabang ang 370 katutubong Mangyan. Sa bilang na ito, 120 ang mga bata at nasa 250 ang matatanda. Nagsagawa rin ng mga palaro para sa mga katutubo ang grupo. Upang higit pang mapasaya ang mga ito, naghandog ng ilang awitin at sayaw ang grupo sa pangunguna ni Garing.
Pinangunahan naman ang pag-asiste sa naturang gawain nina Kapitan Rolando Aceveda ng Brgy. Baras at iba pang barangay officials ng nabanggit na barangay gayundin ni Philippine Army Brigade Team Leader Corporal Rex Jose at Marcelino Garing ng Provincial Agriculture Office.