Malaking bahagi ng mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque at Romblon ang inaasahan na tatamaan ng pagtawid ni Bagyong Nina ngayong araw.
Dahil dito ay patuloy ang pagbibigay ng alerto ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council o RDRRMC sa residente ng naturang mga lugar.
Kasunod nito ang pagpapalabas ng RDRRMC ng memorandum na nilagdaan nina Director Eugene Cabrera ng Mimaropa Office of Civil Defense-Mimaropa at Director James Fadrilan ng Department of the Interior and Local Government-Mimaropa kung saan humihikayat sa mga disaster risk reduction and management office (DRRMOs) ng lungsod, munisipalidad at probinsya na magsagawa ng pre-emptive evacuation sa mga lugar na maaring bahain, pagguhuan ng lupa at abutin ng daluyong o storm surges.
Hinihikayat din ng RDRRMC ang mga DRRMO na ipatupad ang No Sail Policy o pagbabawal sa pagpalaot ng lahat ng mga sasakyang pangisda at pribadong sasakyang pandagat habang may pagbabanta ng bagyo.
Taglay ni Nina ang lakas na 185 kph malapit sa gitna at bugso na aabot hanggang 255 kph. (PIA)