Malaking mga hakbangin at pagbabago ang naisulong ng pamunuan ng Department of Labor and Employment (DoLE) laban sa child labor, kabilang ang hindi katanggap tanggap na anyo nito sa loob lamang ng pitong buwan ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.
“Nagkamit tayo ng malaking pagbabago upang labanan ang laganap na child labor sa mga mahihirap na komunidad, higit lalo ang mga mapanganib pang anyo nito,” wika ni Bello.
Ayon kay Bello, nalalagay sa panganib ang pisikal, mental, at moral na aspeto ng isang bata dahil sa bawal na paggawa, lalo na kung ito ay nasa hazardous work.
Sinabi ng Kalihim na noong Setyembre, ang United States Department of Labor (USDOL), sa inilabas na Findings on the Worst Forms of Child Labor, naging puspusan ang kampanya ng Pilipinas upang mapuksa sa bansa ang “hazardous forms of child labor.” (PIA)