NAGKASAKIT si Paolo Ballesteros kaya hindi siya nakadalo sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2016 noong Disyembre 29 sa Kia Theater. Hindi niya tuloy personal na natanggap ang tropeyo niya nang tanghalin siyang Best Actor para sa mahusay niyang pagganap bilang transgender na si Trisha Echevaria sa “Die Beautiful.”
Ang direktor ng pelikula na si Jun Robles Lana ang tumanggap ng award ni Paolo. Ayon kay direk Jun na may halong biro sa simula, “Hindi po ako ang make-up transformation ni Paolo. May sakit siya, hindi niya kinaya. Sigurado akong gusto niyang pasalamatan ang pamilya niya. Naaalala ko kung ano yung sinabi niya sa Tokyo, pamilya niya, fans niya, ako.
Ang mga pusa niya at aso niya pinasalamatan niya rin. Higit sa lahat palagay ko ang gusto niyang pasalamatan, lahat ng taong nagmahal at tumanggap kay Trisha Echevaria.
“Minsan nanood kami sa isang paying audience, pumila at pinanood ang kuwento ni Trisha Echevaria, at natutuwa ako na ang baklang dating pinagtatawanan natin ay bida na ngayon. Kaya maraming-maraming salamat po sa lahat ng nagmahal sa pelikula namin. Paolo, nakuha mo ulit, dito (MMFF)!”
Bago pa sa MMFF Awards Night ay nauna nang napanalunan ni Paolo ang Best Actor award sa 29th Tokyo International Film Festival sa Japan noong Nobyembre. Iginawad din sa “Die Beautiful” ang Audience Choice award sa naturang filmfest.
Nakakuha rin si Paolo ng Special Jury Award for Outstanding Performance sa 21st International Film Festival of Kerala sa India para rin sa “Die Beautiful.”
Dahil hindi nakadalo sa MMFF Awards Night ay idinaan na lang ni Paolo sa Instagram post ang kanyang pasasalamat.
Aniya sa @pochoy_29: “Direeeeekkkk!!!! maraming salamat mga dabarkads! MMFF salamat! #mmff2016 #gabiNgParangal #dieBeautiful”
Nag-uwi rin ng iba pang awards ang “Die Beautiful” sa MMFF Awards Night. Nanalong Best Supporting Actor si Christian Bables, na very emotional nang tanggapin nito ang award. Ginampanan ni Christian ang role ni Barbs, na best friend ni Trisha.
Pinarangalan din ang “Die Beautiful” ng Best Float citation at MMFF My Most Favorite Film, na katumbas ng Audience Choice award.
Palabas pa rin sa mga sinehan nationwide ang “Die Beautiful,” na iniulat ng MMFF Executive Committee na kabilang sa Top 4 topgrossing movies ng filmfest. (GLEN P. SIBONGA)