Isang mag-asawa ang nasawi habang nakaligtas naman ang kanilang tatlong anak sa sunog na tumupok sa kanilang bahay sa Makati City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Senior Inspector Tito Purgatorio, chief ng Makati Fire Department’s investigation and intelligence unit, ang mga nasawi na sina Edwin Cordovilla, 52, driver ng transportation network vehicle services (TNVS), at asawang Maria Anna, 59.
Napag-alaman na natutulog ang mag-anak bandang 2:24 a.m. nang sumiklab ang sunog sa kanila two-storey house sa 2339 Onyx Street, Barangay Dela Paz, Makati City.
Nakulong ang mag-asawa sa loob ng kanilang kuwarto at namatay dahil sa suffocation habang nilalamon ng apoy ang kanilang bahay.
Nakaligtas ang tatlong anak ng mag-asawa sa pamamagitan ng pagdaan sa terrace at pagtalon mula sa bubong ng bahay.
Hindi na nagawang makalabas ng mag-asawang Cordovilla nang kumalat ang apoy sa kanilang kuwarto.
Nagtamo ng first degree burns sa kaliwang braso ang panganay na anak ng mag-asawa na si Earl nang tangkain niyang iligtas ang kanyang mga magulang.
Idineklarang tapos na ang sunog bandang 3:25 am.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang dahilang ng sunog. Tinatayang nasa R500,000 ang halaga ari-arian na nasira ng apoy. (Anna Liza Villas-Alavaren)