LUCENA CITY, Quezon (PIA) – Iniulat ng Panlalawigang Tanggapan ng Agrikultor na tinatayang aabot sa P756,670,130 na halaga ng mga pananim kagaya ng palay, mais, mga gulay at niyog ang nasira ng bagyong ‘Nina’ noong Disyembre 26 sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa ulat ng nasabing tanggapan noong Enero 4, 2017, pinakamalaking halaga na nasira ng bagyo ang mga tanim na niyog na may mahigit na 71,000 ektarya na umabot sa P480,936,064 ang halaga ng nasira.
Kasunod ang mga tanim na gulay o high value crops kasama na ang tanim na saging at papaya na umabot sa P22,861,797.00 ang halaga ang nasira.
Naapektuhan din ang mga palayan na may kabuoang halaga na P22,561,421.63 ang nasira at mga tanim na mais na may 1,500 ektarya na may kabuoang halaga na P22,237,887.50.
May 230 ring mga mangingisda mula sa anim na bayan ng Quezon ang naaapektuhan din ng bagyo kung saan umabot sa halagang P9,072,960 na mga kagamitan sa pangingisda kagaya bangka at iba pang mga kagamitan ang nasira ng bagyo.
Kaugnay nito, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pangunguna nina gobernador David Suarez at Panglalawigang Agrikultor Roberto Gajo ay nakatakdang magpadala ng tulong.