LUCENA CITY, Quezon (PIA) – Mahigit 600 Lucenahin mula sa mga barangay ng Market View, Cotta, Ibabang Iyam, Ibabang Dupay at Gulang-Gulang ang nagtapos ng iba’t-ibang livelihood skills training sa lungsod na ito kamakailan.
Ang programa ay bahagi ng Bottom Up Budgeting ng Department of Interior and Local Government na may temang “Hanap Buhay sa Barangay Asenso ng Bayan”.
Ang mga pagsasanay na ipinagkaloob sa mga benipisyaryo ng programa ay massage therapy, food processing, hair science at welding.
Dumalo rin dito ang ilang mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaang panlungsod at nasyunal na pamahalaan tulad ng TESDA habang naging panauhing pandangal naman si Mayor Roderick “Dondon” Alcala.
Sa mensahe ng alkalde, binigyang pasasalamat nito ang lahat ng bumubuo ng TESDA sa pagbibigay ng pondo para sa naturang programa.
“Naglaan ang national government ng pondo sa programang ito ng halagang mahigit sa R3 milyong piso habang ang naging counterpart naman ng city government dito ay nagkakahalaga ng mahigit sa R1 milyong piso”, dagdag pa ng alkalde.
Lubos naman ang ginawang pasasalamat ng mga nagsipagtapos sa programang ito ng nasyonal na pamahalaan sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Lucena dahil sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong magkaroon ng dagdag na kaalaman na kanilang magagamit para makapaghanapbuhay.