LUCENA, Quezon, (PIA) – May 98 motorized banca ang nakatakdang ipagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor sa mga mangingisda sa lalawigan ng Quezon na naapektuhan ng bagyong Nina sa lalong madaling panahon.
Ayon sa tanggapan, ang 98 na motorized banca na nasira ng bagyo ay isasaayos muna bago ipamahagi para sa mga mangingisda sa Quezon partikular sa mga bayan ng Padre Burgos, San Narciso, San Francisco, Perez at Gumaca.
Aabot sa P110,600 ang kakailanganing pondo ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon para maisaayos ang mga banca bago maipagkaloob sa mga magsasaka.
Ayon sa tanggapan ng panlalawigang agrikultor na pinamamahalaan ni panlalawigang agrikultor Roberto Gajo, may 128 mangingisda sa limang bayan sa Quezon ang direktang naapektuhan ng bagyong Nina.
Samantala, inaasahan din ang tulong mula sa Department of Labor and Employment (DoLE) kagaya ng pagsasaayos ng mga fishing paraphernalia tulad ng fishing net at iba pa.