PAREHONG top child actors ng ABS-CBN 2 ang mga bida ng pelikulang “Tatlong Bibe” na sina Raikko Mateo at Marco Masa.
Si Raikko ay nagbida sa teleseryeng “Honesto” noong 2013 at si Marco naman ay nagbida sa “Nathaniel” noong 2015.
Gumawa na rin ng ilang mga pelikula sina Raikko at Marco.
Si Raikko ay lumabas na sa mga pelikulang “Feng Shui 2,” “Resureksyon,” “Beauty and the Bestie” at ang upcoming na “Once in a Lifetime.”
Si Marco ay napanood sa mga pelikulang “Moron 5.2 The Transformation,” “Maria Leonora Teresa,” “Maybe This Time” at “Ang Huling Henya.”
Parehong happy sina Raikko at Marco sa pagbibida nila sa “Tatlong Bibe.” Kahit na raw hindi ang home film studio nila na Star Cinema ang gumawa ng project na bida sila, hindi naman daw nalalayo ang pagdirek ni Joven Tan sa mga dekalidad na pelikula ng Star Cinema.
Nilinaw naman ni Direk Joven na hindi comedy ang “Tatlong Bibe” kundi isang drama ito tungkol sa mga maliliit na milagro na nagaganap sa ating buhay araw-araw.
“Hindi ko na ginawang comedy ang ‘Tatlong Bibe’ kasi wala kang masyadong maiikutan doon.
“Kaya naisipan kong gawin itong drama. Mas maraming makaka-relate dahil nangyayari sa buhay natin araw-araw ang mga eksena rito,” diin pa niya.
Nagpamalas nga raw ng husay sa mga drama scenes sina Raikko, Marco, pati na ang “The Voice Kids” season one grand champion na si Lyca Guiranod.
“Sanay na po akong umiyak on cue,” mabilis na sagot ni Raikko.
“Kapag sinabi po sa akin na iyak ka sa eksenang ito, nagagawa ko po.”
Si Marco naman ay nasanay na rin sa mga mabibigat na mga eksena.
“Hindi po madaling umiyak pero kinakaya ko po. Natutunan ko po iyon sa mga naging direktor ko sa teleserye at pelikula.”
Kasama rin sa “Tatlong Bibe” sina Eddie Garcia, Angel Aquino, Rita Avila, Edgar Allan Guzman, Sharlene San Pedro, Victor Neri, Luis Alandy at Dionisia Pacquiao. (RUEL J. MENDOZA)