Patay ang isang barangay chairman nang barilin ng dalawang lalaking nakamotorsiklo sa Tondo, Manila, noong Miyerkules.
Binawian ng buhay si Tito Caldozo, 64, chairman ng Barangay 106 Zone 8, habang ginagamot sa Tondo Medical Center dahil sa isang tama ng bala sa dibdib. Base sa imbestigasyon, binaril si Caldozo habang nakaupo sa labas ng barangay outpost sa Rizal Avenue dakong 11:09 p.m..
Sinabi ni barangay watchman Celestino Burgos sa mga imbestigador na katabi niya si Caldozo nang biglang dumating ang dalawang nakamotorsiklong lalaki na nakasuot ng face masks at crash helmets. Isa sa salarin ang bumunot ng baril at pinaputukan si Caldozo. (Analou De Vera)