KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Humigit-kumulang 50 pamilya ang mawawalan ng tahanan at pagkabuhayan sakaling matutuloy ang panukalang coal mining project ng Daguma Agro Minerals Inc (DAMI) sa Barangay Ned, Lake Sebu.
Ito ang kumpirmasyon ni Kagawad Jay Galache ng Barangay Ned sa ocular inspection ng mga opisyal ng pamahalaan panlalawigan sa mining site noong Martes (Enero 24).
Ilang beses na nagsagawa ng public consultation ang DAMI sa lahat na sitio sa Barangay Ned. Maging ang mga residenteng lumad ay kinonsulta rin ng DAMI, ayon kay Galache.
Sa mga konsultasyon, dagdag ni Galache, nangako ang mga opisyal ng DAMI na bibigyan nila ng malilipatang lugar, bahay, pasilidad sa patubig at pangkabuhayan ang mga maapektuhang pamilya.
Kabilang sa kabuhayang ipinangako sa kanila, ayon sa kagawad, ay ang pagsasaka ng mais at kamoteng kahoy na San Miguel Food Corporation din ang bibili.