Malaking hamon para sa award-winning indie actor na si Sandino Martin ang role niyang Catholic priest sa ABS-CBN primetime teleseryeng “My Dear Heart” dahil iba ang religion niya.
“I’m a young priest here. Kapatid ko po si Ms. Rio Locsin and batang tito po ako ni Bela Padilla. It’s challenging po because I’m not a Catholic po. I’m a Mormon. So, I need to learn a lot of things na ginagawa ng pari, ’yung mga rituals, ’yung paggalang sa mga sacred ground,” sabi ni Sandino.
Malaking kaibahan raw ito sa mga ginagampanan niyang roles sa pelikula. “Actually, it’s a good turnaround sa career ko, kasi nasa daring part ako ng indie. Ang dami kong ginagawa na parang at the edge of my seat. So, this time it’s religious.”
Hindi naman daw siya magkakaproblema sa religion niya. Pero nagpaalam ba siya na gaganap siyang Catholic priest?
“Hindi naman po kailangan. Parang they know na it’s part of my job, and they know I’m an artist and I focus on my work a lot. Even my mom is very happy for me for this project.”
Masaya lang si Sandino na nabigyan na siya ng break sa telebisyon sa “My Dear Heart,” na mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng “FPJ’s Ang Probinsyano” sa ABS-CBN Primetime Bida. Dream come true nga raw ito dahil ito ang kauna-unahan niyang teleserye. “Kasi it’s part of my dream to transcend into a lot of medium. I did theater, I did film, and now it’s my first time to do TV. I’m very blessed lang to be part of this project,” ani Sandino.
Naunang namayagpag ang career ni Sandino sa independent cinema. Itinanghal siyang Best Actor sa Cinema One Originals 2014 para sa pelikulang “Esprit de Corps.” Iniuwi niya rin ang Best Actor award sa World Premieres Film Festival Philippines 2016 para naman sa pelikulang “Ringgo: The Dog Shooter.” (GLEN P. SIBONGA)