Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa mga Pilipinong manggagawa na mamamasukan sa ibang bansa na siguruhin muna na sumailalim sila sa tamang proseso ng medical screening bago umalis ng bansa.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang paalala kasunod ng deportation sa 400 na guest worker ng Jordan Health Ministry dahil sa iba’t ibang problema sa kalusugan.
“Kinakailangan ng mga manggagawa na sumailalim sa masusing medical check-up o screening sa mga accredited na ospital at klinik ng Department of Health (DoH) bago sila umalis ng bansa at maiwasan ang pagkaka-deport dahil lamang sa problema sa kalusugan. Maraming mga bansa ang partikular sa aspeto ng kalusugan ng manggagawa,” wika ni Bello.
Binanggit ng kalihim na naglabas ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng advisory na nagsasaad ng ulat ng Jordan health ministry kung saan mula Enero hanggang Nobyembre 2016 ay may naitala ng 185 kaso ng Hepatitis B, 149 kaso ng Tuberculosis, 66 kaso ng HIV/AIDS sa mga dayuhan nilang manggagawa.
Nasasaad rin sa ulat ng health ministry na mayroon ng 356,045 dayuhang manggagawa ang nagtungo sa kanilang directorate upang sumailalim sa medical check-up, kung saan 457 sa kanila ay na-diagnose ng Hepatitis B, Tuberculosis at HIV/AIDS.