Hindi na papayagan ang mga jeepney barkers na magtawag ng pasahero sa intersections ng Guadalupe, Makati City, dahil nagiging sanhi sila ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa naturang lugar, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ipinaliwanag ng MMDA at barangay officials na ang hakbang laban sa mga barkers ay para na rin mabigyang daan ang pagpapatupad ng bagong traffic scheme na nagbabawal na sa mga jeepney na dumaan sa Edsa-Guadalupe simula sa Lunes.
Maaapektuhan ng traffic scheme ang mga jeep may rutang Gate 3 Housing, AFP Housing, at Leon Guinto.
Ang mga lalabag sa scheme ay bibigyan ng traffic violation tickets na may kaukulang P500 na multa.
Sinabi ni Neomie Recio, MMDA Traffic Engineering Center (TEC) head, na 100 personnel ang itatalaga para alisin ang mga nakakasagabal sa traffic flow.
Ipinahayag ni Barangay Nuevo Councilor Jeffrey Baluyut na aalisin na rin ang mga vendors sa kahabaan ng Magsaysay Street, Manggahan Street, P. Burgos Street, P. Victor Street at Cloverleaf. (Anna Liza Villas-Alavaren)