PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Tinututukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang ‘seaweed industry’ ng lalawigan sa pamamagitan ng seaweeds rehabilitation program at seaweeds upscaling project upang mapanatili nito ang pagiging top seaweeds producer sa rehiyon.
Ayon sa paliwanag ni Dr. Myrna O. Lacanilao, hepe ng Livelihood Management Unit, ang seaweeds rehabilitation program ay nakatuon sa pagsasaayos ng mga lugar o seaweeds nurseries na nasira dahil sa pananalanta ng bagyo samantalang ang seaweeds upscaling project naman ay nakatutok sa pagpapalago ng mga seaweeds seedlings at propagules.
Sa kasalukuyan, ani Dr. Lacanilao, umaabot na sa halos 4,000 mangingisda ang nabenepisyuhan ng Seaweeds Industry Development Program na ipinapatupad sa ilalim ng Livelihood Management Unit ng pamahalaang panlalawigan.
Nabenepisyuhan nito ang 1,210 sa ilalim ng seaweeds rehabilitation program at nasa 2,789 naman ang natulungan sa ilalim ng seaweeds upscaling project nito.