By RUEL J. MENDOZA
Kinaaaliwan ng televiewers ang veteran actress and Movie Queen Ms. Gloria Romero sa primetime rom-com serye ng GMA-7 na “Meant To Be.”
Ginagampanan ni Tita Glo ang role na Lola Madj, ang millennial lola ng isa sa leading men ni Barbie Forteza.
Thankful ang 83-year old movie queen dahil sa edad niya ngayon ay nabibigyan pa siya ng mga kakaibang role sa TV.
“Ako’y masaya at maligaya dahil nabigyan na naman ako ng isang magandang role.
“Cool na cool ako sa role ko as Lola Madj. Medyo nahirapan ako na kaunti dahil iba ang dialogue ko dito, pero dahil sa napakagaling ng aming direktor, siya ang guide namin. Ako na yata ang pinakamatandang bagets,” tawa pa niya.
Isa sa mga durable stars ng Philippine Cinema si Ms. Gloria Romero dahil sa husay niya sa drama at comedy.
Ang unang best actress award ni Tita Glo mula sa FAMAS noong 1955 ay para sa isang comedy movie titled “Dalagang Ilokana.”
Hindi nagtagal ay naging award-winning actress na si Tita Glo para sa kanyang mga pelikula na “Saan Nagtatago Ang Pag-ibig,” “Nagbabagang Luha,” “Tanging Yaman,” “Magnifico,” “Fuschia at Tarima.”
Pero sa mga hindi nakakaalam ay nagsimula si Tita Glo bilang isang extra sa pelikula bago siya naging Movie Queen ng Sampaguita Pictures.
“Nag-umpisa ako as an extra. Tatawa-tawa lang at walang dialogue. Noong binigyan ako ng dialogue, isang linggo kong minemorize,” pag-alala pa ni Tita Glo.
Ito ay para sa 1949 film na “Ang Bahay sa Lumang Gulod” for Premiere Productions at bida ang sikat na aktor noon na si Efren Reyes.
Ang dialogue lang daw ni Tita Glo ay “Hihintayin kita, Prinsipe Don Juan!” pero kinabahan daw siya at hindi nakapagsalita noong nag-take na.
“Sabi ng director, ‘Sino ba ‘yang babaeng kinuha ninyo? Tanggal na, take her out! She’s destroying the whole scene.
“Pagdating ko sa bahay, nagsalamin ako at nagre-rehearse na lang ako sa banyo. Bakit hindi ko nasabi? Pinagalitan ako ng tatay ko sa Pangasinan,” natatawang pagbalik-tanaw pa ni Ms. Gloria Romero.