Isang araw bago ang Valentine’s Day, naglabas ang health officials ng mahahalagang tips para mapanatiling malusog ang puso lalo pa’t ang heart-related diseases ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng tao sa panahong ito.
At dahil itinalaga ang February bilang “Heart Month,” pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na pagtuunan ng pansin ang mga tamang hakbang para maiwasan ang mga sakit na nakakaapekto sa puso.
“Gulay at Prutas Araw-Arawin, Matamis, Mamantika, at Maalat Hinay-Hinayin,” ito ang theme ng Health Month celebration na naglalayong bigyang diin ang kahalagahan ng healthy lifestyle at pagkain ng tama, ayon kay DoH Secretary Paulyn Jean B. Rosell-Ubial.
“Be kind to your heart. Choose healthier options, maintain a regular diet and exercise,” pahayag ni Ubial sa isang press briefing kamakailan.
Sabi niya, para mapanatiling malusog ang puso, dapat umiwas sa mga matatamis gaya ng cakes at mga mamantikang pagkain.
Kung talagang naghahanap ng something sweet, kumain ng mga sariwa at napapanahong prutas dahil mas maganda ito sa katawan.
Inirekomenda rin niya ang pagkain ng chocolate pero dapat dark chocolate na less sugar at walang caramel.
“Dark chocolate should be made up of least 60-70 percent cocoa. It has flavanoids, antioxidants, which are good for the heart and blood vessels. Eat only a moderate amount, approximately an ounce (around 30 grams) a day,” paliwanag ni Ubial.
Mabuti rin sa puso ang pagiging aktibo. Aniya, dapat magplano ng outing kasama ang mga mahal sa buhay o di kaya’y ugaliing maglakad sa parks o malls.
“Walking for 30 minutes is good for your heart,” dagdag pa ng kalihim.
Sa halip na kumain sa mga mamahaling restaurant, mas makabubuti ang pagluluto ng pagkain sa bahay at pagsaluhan ang heart-friendly foods tulad ng tuna, mackerel, bangus, at salmon.
Huwag manigarilyo, o kung naninigarilyo man, dapat nang itigil ang bisyong ito.
“Smoking can lead to a heart attack or stroke,” babala ni Ubial.
Panghuli, sabi niya dapat tapat ang isang tao sa kaniyang partner para maiwasang makaramdam ng stress na isa mga dahilan ng pagkakaroon ng heart o cardiovascular disease.
Ayon pa sa kaniya, dokumentado naman talaga na mas stressful ang buhay ng taong may multiple partners.
“So be faithful to your partner. Reduce your stress and enjoy life more,” payo ng Health Secretary.
(EMILY G. BUGARIN)