Patay ang dalawang lalaki nang pagbabarilin ng apat na armadong kalalakihan sa loob mismo ng kanilang inuupahang apartment a Malabon City Lunes ng umaga.
Kinilala ni Senior Supt. John Chua, Malabon Police chief, ang mga napatay na sina Rein Joseph Rimorin, 31, at Jeffrey Bercasio, 33, mga residente ng Barangay Tugatog, Malabon.
Base sa imbestigasyon, pumasok ang apat na armadong lalaki na nakatakip ang mukha sa apartment ng mga biktima sa Barangay Tugatog dakong 3:30 a.m..
Ayon kay Alfred Bunag, 18, katulong ng mga biktima, naunang binaril ng mga suspek si Rimorin na noo’y abala sa paghuhugas ng pinagkainan.
Namatay noon din si Rimorin dahil sa tama ng bala sa ulo. Pagkatapos, umakyat ang mga suspek sa second floor ng bahay kung saan binaril nila ng ilang beses ang natutulog na si Bercasio. (Jel Santos)