PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Tiyak nang mabubuksan sa darating na Abril 16 ang bagong terminal ng Puerto Princesa International Airport, makaraang maantala ito sa naunang planong pagsisimula ng operasyon noong nakalipas na buwan ng Enero.
Sa isinagawang “Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)”, tinuran ni Engr. Gill Pamatmat, airport project manager ng Department of Transportation (DoTr) na hindi naihabol sa naunang itinikdang petsa subalit tiniyak niyang wala na silang nakikitang problema sa ngayon.
“Nagkaroon kami ng pagpapalawig na 90 araw ng konstruksyon ng proyekto sa kadahilanang inaayos pa ang perimeter road.
“Matatandaang nahiirapan din ang kontraktor ng paliparan sa mapagkukunan ng aggregates, pero sa ngayon wala nang dahilan para di ito maihabol sa Abril”, pahayag ni Pamatmat.
“Ang medyo kritikal lang dito ay iyong proseso ng paglilipat ng pamamahala ng paliparan sa Civil Aviation Authority (CAAP) dahil sa dami ng kinakailangang kumpletuhing dokumento”, dagdag pa ng opisyal.
Sa ngayon ay nasa estado na ng pagtatapos ng proyekto na nasa 95% nang naku-kumpleto.
Hindi pa man lubusang natatapos, ipinagmalaki ni Pamatmat ang pagkakaroon ng kumpletong pasilidad sa bagong ng paliparan bilang pagtugon sa hinihingi ng International Air Transportation Association (IATA).