Nagsisimula nang maagnas ang bangkay ng isang American national nang matagpuan noong Linggo sa loob ng kaniyang tinutuluyang kuwarto sa isang guest house sa Ermita, Manila.
Base sa investigation, nag-check in si Johnson Christian Blake, 52, sa Wanderers Guest House na matatagpuan sa kanto ng Adriatico at Nakpil Streets noong February 28, dakong 3:30 p.m.
Mula noon, hindi na nakitang lumabas si Blake, ayon sa reception staff. Noong March 1 at 2, kinatok ng room girl na si Diene Divina ang kuwarto ni Blake para tanungin kung palalawigin niya ang kaniyang pagtigil sa lugar, ngunit walang sagot mula sa biktima.
Hindi na nagpumilit ang room girl sa pag-aakalang nasa labas lamang ang biktima. Ngunit noong gabi ng March 4, napansin ng night shift receptionist na si Lyndon de Leon ang mabahong amoy na nagmumula sa kuwarto ni Blake.
Nang buksan niya ang kuwarto ng biktima gamit ang isang duplicate key, doon na niya nakita na patay na si Blake at nagsisimula nang maagnas ang katawan.
Hinihintay pa ng police ang resulta ng isinagawang autopsy sa bangkay ng biktima para malaman ang sanhi ng kaniyang pagkamatay. (Jaimie Rose A. Aberia)