May P20 milyong halaga ng construction materials ang ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga pamilya na nawalan ng bahay sa isang sunog na sumiklab sa Parola Compound, Tondo, noong isang buwan.
Pinangunahan ni Mayor Joseph Estrada kamakailan ang pamumudmod ng daan-daang piraso ng roofing sheets, lumber, nails at iba pang kagamitan sa first batch ng 1,050 apektadong pamilya sa Apex Compound.
Sa kaniyang pagbisita, ipinahayag ni Estrada ang kaniyang pakikiramay sa mga biktima ng sunog at tiniyak niyang mabibigyan sila ng tulong.
“Ako po’y nakikiramay sa inyong mga nasunugan. Alam ko ang dinaranas niyong paghihirap,” pahayag ng mayor sa harap ng mga residente ng Barangay 20, Zone 2. “Kaya naman po lagi akong nag-iisip kung paano kayo matutulungan.”
Ayon sa city government, ang bawat isang pamilyang nasunugan ay nakatanggap ng walong piraso ng iron sheets, 23 piraso ng lumber, limang pirason ng plywood, at iba’t ibang klase ng pako. Matatandaan na may 2,100 pamilya ang nawalan ng tirahan sa malaking sunog na naganap sa Parola Compound noong February 7. (Cris G. Odronia)